Binuksan kahapon sa Bali, Indonesia ang Ika-21 Di-pormal na Pulong ng mga Lider Pang-ekonomiya ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).
Sa kanyang talumpati, inilahad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang paninindigan sa pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig. Binigyang-diin niyang pumapasok na sa bagong yugto ang pag-unlad ng APEC at dapat patuloy na patingkarin ang papel ng Asya-Pasipiko sa pagpapasulong ng pagpapanumbalik ng kabuhayang pandaigdig. Kaugnay nito, iniharap ng pangulong Tsino ang tatlong mungkahi.
Una, dapat manangan sa diwa ng pagbubukas, pagiging inklusibo at pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan para mapahigpit ang koordinasyon sa mga patakaran sa macro-economy at mapasulong ang magkakasamang pag-unlad ng mga miyembro ng rehiyong Asya-Pasipiko.
Ikalawa, buong-sikap na pangalagaan ang katatagang pinansyal ng Asya-Pasipiko: para rito, dapat katigan ang mga patakarang pangkabuhayan sa pamamagitan ng mga patakarang panlipunan at iwasang maging mga problemang pampulitika at panlipunan ang krisis na pangkabuhayan o pinansyal.
Ikatlo, dapat himukin ang mga miyembro ng Asya-Pasipiko na baguhin ang pamamaraan ng pagpapaunlad ng kabuhayan para ibayo pang mapasigla ang sustenableng pag-unlad ng rehiyon.
Salin: Jade