Sa Bali Island, Indonesia—Idinaos dito kahapon ang pulong sa unang yugto ng Ika-21 Di-Pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC). Nagpalitan ng kuru-kuro ang mga kalahok na lider at kinatawan ng sirkulong komersyal ng iba't ibang kasaping bansa, nagdaos ng unang closed-door meeting, at nagsagawa ng mga bilateral at multilateral na aktibidad. Ang usapin ng pagpapanatili sa katayuan ng rehiyong Asya-Pasipiko sa pandaigdigang ekonomiya sa ilalim ng pabagu-bagong kalagayan ay naging mainitang paksa ng naturang pulong.
Ipinalalagay ni Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono ng Indonesia na ang kasalukuyang pulong ng APEC ay idinaraos sa isang "masusing" panahon. Aniya, dapat maingat na hawakan ang kasalukuyang kalagayan, kung hindi, malubhang maaapektuhan ang lakas-panulak ng pagbangon ng kabuhayang pandaigdig. Kabilang aniya sa mga posibleng maging negatibong epekto ay ang mas malaking impact sa mga umuunlad at bagong-sibol na ekonomiya, at pagkakaroon ng hadlang sa kanilang pagsisikap para sa pagsasakatuparan ng target ng pag-unlad at pagpapanatili ng sustenableng paglago.
Kasabay ng di-pormal na pulong ng mga lider ng APEC, idinaos din ang APEC CEO Summit. Nagtalumpati sa naturang summit ang 12 lider na kinabibilangan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya. Pawang nagpadala ang mga kasapi ng APEC ng isang komong signal. Ito ay ang sa kasalukuyang mahirap na panahon, dapat pasulungin ang liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, dahil sa pangmalayuang pananaw, napakalaki ng negatibong epekto ng proteksyonismong pangkalakalan.
Iniharap din sa pulong ang mas maraming konstruktibong paninindigan. Sa ulat ng APEC CEO Summit, iniharap ang 13 mungkahi na gaya ng pagpapasulong ng kalakalan, liberalisasyon ng pamumuhunan, pagpapasulong ng unipikasyon ng patakaran, paglikha ng paksa ng bagong kooperasyong panserbisyo, pagpapalakas ng pag-uugnayan ng supply chain, at iba pa.
Idaraos ng mga lider ngayong araw ang isang closed-door meeting sa ika-2 yugto. Buong pananabik na inaasahan ng mga tao na mararating sa pulong ang mga bungang pandokumento, at matatamo ang progreso sa mga konkretong larangan ng kooperasyon.