Idinaos kahapon ng Ika-68 Pangkalahatang Asemblea ng UN ang sesyong plenaryo para talakayin ang dalawang temang kinabibilangan ng proseso ng pagpapatupad ng "Bagong Partnership para sa Pag-unlad ng Aprika," at sanhi ng sagupaan at pagpapasulong ng kapayapaan sa loob ng Aprika.
Sa pulong, sinabi ni Wang Min, Pirmihang Pangalawang Kinatawan ng Tsina sa UN, na sa pagbalangkas ng komunidad ng daigdig ng agenda ng pag-unlad pagkatapos ng taong 2015, dapat bigyan ng mas malaking pansin ang espesyal na hamon at pangangailangan ng pag-unlad na kinakaharap ngayon ng Aprika. Dapat aniyang gawing nukleo ng naturang agenda ang pagpapawi ng karalitaan, para mapasulong ang komprehensibong pag-unlad ng Aprika.
Nanawagan din si Wang sa komunidad ng daigdig na aktuwal na tupdin ang iba't-ibang pangako nila sa Aprika, at dapat ding igalang ang sariling karapatan ng mga bansang Aprikano, at katigan ang pagsisikap ng ganitong mga bansa para maisakatuparan ang kapayapaan at katatagan.
Salin: Li Feng