Ipinahayag kahapon sa Beijing ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang Pamahalaang Tsino ay may hindi nababagong atityud sa pag-iingat at responsableng pagluluwas ng mga produktong militar na kinabibilangan ng magagaan at maliit na sandata.
Bilang tugon sa ulat na ipinalabas kamakailan ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI) na nagsasabing maraming bansa ang di-umano'y nag-aangkat ng malilit at magagaang sandata mula sa Tsina, at ang mga sandatang yari sa Tsina ay ginagamit sa mga lugar na may sagupaan, sinabi ni Tagapagsalita Hong na batay sa mga obligasyong pandaigdig at mga batas na panloob, mahigpit na kinokontrol ng Tsina ang pagluluwas ng mga produktong militar at sinusunod din ang mga prinsipyo ng di-pagpinsala sa kapayapaang panrehiyon at pandaigdig, at di-pakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa. Hindi aniya ililipat ng Tsina ang mga sandata sa mga non-state entities. Dagda pa ng tagapagsalita, hinihiling din ng Tsina sa mga bansang nag-aangkat na magbigay ng sertipiko kung sino ang gagamit at paano gagamitin ang mga produktong militar.
Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ang komunidad ng daigdig para mapawi ang panganib ng ilegal na pagkakalakalan ng maliliit at magagaang sandata.
Salin: Jade