|
||||||||
|
||
Mga rebelde, nagdeklara ng ceasefire para sa mga biktima ng bagyo
PORMAL na idineklara ng Central Committee ng Communist Party of the Philippines ang ceasefire sa lahat ng kanilang mga tauhang saklaw ng New People's Army at kanilang mga armadong grupo sa mga napinsalang pook ni "Yolanda."
Tumigil na ang mga NPA sa pagsalakay mula noong Sabado, ika-siyam ng Nobyembre hanggang sa Linggo, bago maghating-gabi.
Saklaw ng ceasefire declaration ang mga tauhan nila sa Eastern Visayas Regional Command, Panay regional Command, Central Visayas Regional Command at Negros Island Command. Pinayuhan din nila ang mga guerilya na balitaan ang mga nasa Masbate Island Command, Palawan Island Command at Mindoro Island Committee sa pangyayari.
Tindi ng epekto ni "Yolanda" sa palay, sinusuri pa
SINABI ni Dr. Samarendu Mohanty, ekonomista at pinuno ng social science department ng International Rice Research Institute na kulang pa sa 10% ang iniaambag ng mga apektadong rehiyon sa pambansang produksyon ng palay. Karamihan sa palay mula sa rehiyong ito ang naani na bago sumapit ang bagyong "Yolanda."
Subalit idinagdag din ni Dr. Mohanty na matatagalan bago mabatid ng IRRI at ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Pilipinas ang buong epekto ng bagyo sa industriya ng palay.
Ang lalawigan ng Leyte ang pinakanapinsala sa mga dinaanang pook ni "Yolanda" at klasipikadong nasa Category II rice-producing province at nangangahulugan na mayroon iyong higit sa 100,000 ektarya ng mga palayan.
Sa pagitan ng taong 2000 at 2009, ang lalawigan ng Leyte ang nakaani ng ikatlo sa pinakamalaking ani at sinusundan ang Nueva Ecija sa Luzon at Iloilo sa Kanlurang Kabisayaan.
Mula sa assessment meeting sa Kagawan ng Pagsasaka, sinabi ni IRRI Deputy Director General for Communication and Partnership V. Bruce J. Tolentino na tumama ang napakalakas na bagyo sa pagitan ng pag-ani at pagtatanim sa Leyte. Karamihan sa mga sakahan sa lalagiwan ay nakatapos na ng kanilang wet season harvest at nagsisimulang maghanda para sa dry season crop.
Ayon kay G. Tolentino, ang pinakamatinding tama ng bagyo ay nagmula sa storm surge sa mga makinarya, mga bodega, tahanan at pinsala sa mga lansangan at patubig. Ang mga ito ay mangangailangan ng pag-aayos at pagpapalit dagdag pa niya. Sapagkat walang access sa mga pamilihan, halos paubos na ang bigas na nasa mga tahanan, ito ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain sa lalawigan.
Nagpaabot din ng pakikiramay sa mga naging biktima si IRRI Director General Robert Zeigler. Ayon sa pinuno ng IRRI, mula ng manirahan siya sa Pilipinas mula noong 1992, wala siyang nakitang napakalawak na pinsalang idinulot ng bagyo.
Ayon sa pahayag ng IRRI, isang malaking hamon sa kanila at sa rice production ang climate change. Ang mga magsasakang Pilipino ay tumutugon sa pagtatanim ng maituturing na palay na isinaayos ng kanilang tanggapan at pinalabas ng Pamahalaan ng Pilipinas. May limang milyong magsasaka sa buong Asya ang gumagamit ng 'scuba' o flood-tolerant rice na makatatagal sa ilalim ng baha ng dalawang linggo.
Nakapaglabas na ang IRRI ng 101 improved rice varieties sa Pilipinas na kinabibilangan ng bigas na pinangalanang "submarino." Magbibigay ang IRRI ng mga binhi ng submarino sa mga magsasakang apektado ng bagyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |