|
||||||||
|
||
Kinatagpo kahapon dito sa Beijing ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sina Presidente Herman Van Rompuy ng European Council at Presidente Jose Manuel Barroso ng European Commission. Ang dalawang lider na Europeo ay kapuwa lalahok sa Ika-16 na Summit ng Tsina at Unyong Europeo (EU) na gaganapin ngayong araw.
Ipinahayag ni Pangulong Xi ang kanyang pag-asang mapapalawak ng Tsina at EU ang kanilang pagtutulungan sa kalakalan at pamumuhunan, at mapuputol ang proteksyonismo sa anumang porma para mapasulong ang pagiging bukas ng kabuhayang pandaigdig.
Inilahad din ni Xi na sa katatapos na Ika-3 Sesyong Plenaryo ng Ika-18 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), naitakda ng liderato ng Tsina ang panlahatang plano ng pagpapalalim ng pambansang reporma. Dagdag pa niya, tumatahak ang Tsina sa landas ng pagsasakatuparan ng "Chinese Dream" ng pambansang pag-ahon, samantalang nagpupunyagi rin ang mga Europeo para maisakatuparan ang pangarap ng integrasyon. Aniya pa, kapuwa ang Tsina at Europa ay tumatahak sa landas na wala pang nakakatahak. Kaya, dapat maggalangan ang dalawang panig at samantalahin ang mga pagkakataon para tumpak na italaga at pasulungin ang kanilang komprehensibong estratehikong partnership sa ilalim ng multipolar na daigdig at globalisasyong pangkabuhayan, dagdag pa ni Pangulong Tsino.
Iminungkahi rin ni Xi na balangkasin ng Tsina't EU ang isang estratehikong planong pangkooperasyon para sa taong 2020 para mapahigpit ang kanilang kooperasyon sa urbanisasyon, agham, aeronautics at astronautics, at green economy.
Ipinahayag naman ng dalawang lider na Europeo ang kanilang pag-asang mapapalalim ang pagtitiwalaan ng Tsina't EU, mapapalawak ang kanilang pagtutulungan, matatapos ang talastasan sa kasunduang pampamumuhunan sa lalong madaling panahon, at mapapahigpit ang kanilang koordinasyon sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |