Kinondena kahapon ni Tagapagsalitang Cho Tae-young ng Ministring Panlabas ng Timog Korea ang pagbibigay-galang ni Yoshitaka Shindo, Internal Affairs Minister ng Hapon sa Yasukuni Shrine. Ipinahayag niya na napakalinaw ng posisyon ng pamahalaang Timog Koreano, at ang pagbibigay-galang sa Yasukuni Shrine ay isang pagpapakita ng pagpilipit sa kasaysayan. Ang naturang aksyon ng mataas na lider ng Hapon ay ibayo pang makakapinsala sa relasyon ng Timog Korea at Hapon, aniya pa.
Ayon sa Kyodo News Agency ng Hapon, kamakalawa ng hapon, nagbigay-galang si Yoshitaka Shindo sa Yasukuni Shrine. Ayon sa balita, palagiang tinututulan ng Tsina at Timog Korea ang pagbibigay-galang ng mga miyembro ng Gabinete ng Hapon sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang 14 na class-A criminals noong World War II. Ang nasabing aksyon ni Yoshitaka Shindo ay posibleng magdudulot ng mas matinding reaksyon ng Timog Korea at Tsina.
Salin: Li Feng