Ipinatalastas kahapon ni Pongthep Thepkanchana, Pangalawang Punong Ministro ng Caretaker Government ng Thailand, na idaraos ang halalang pamparliamento sa itinakdang petsa na ika-2 ng Pebrero.
Tinalakay nang araw ring iyon ng Caretaker Government at Lupong Elektoral ang hinggil sa petsa ng halalan. Pagkatapos nito, sinabi ni Pongthep Thepkanchana na sinang-ayunan ng dalawang panig na hindi ipagpapaliban ang petsa ng halalan. Pero sinabi ni Somchai Srisuthiyakorn, Miyembro ng Lupong Elektoral, na sa kanilang palagay, hindi maaring idaos ang halalan sa itinakdang panahon dahil sa epekto ng kasalukuyang pambansang kalagayan. Dagdag pa niya, hindi kayang marating ng pamahalaan ang nagkakaisang posisyon, kaya hindi nila binago ang petsa ng halalan.
Bukod dito, ipinasiya ng National Counter Corruption Commission na itatag ang grupong tagapagsiyasat para suriin kung mayroong pagpapabaya sa tungkulin si Yingluck Shinawatra sa kaso ng pagbili ng pamahalaan ng mga bigas.
Salin: Ernest