Sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya sa Sochi, Rusya
Sa Sochi, Rusya, nagtagpo dito kahapon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina at ang kanyang counterpart na Ruso na si Vladimir Putin ng Rusya. Binalangkas ng dalawang puno ng estado ang estratehikong plano hinggil sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa taong ito.
Unang una, sa ngalan ng Pamahalaan at mga mamamayang Tsino, hinangad ni Pangulong Xi ang tagumpay ng idinaraos na Sochi Winter Olympic Games. Binigyang-diin ni Xi na kailangang pasulungin ng Tsina at Rusya ang mga estratehikong proyekto ng dalawang bansa na gaya ng pagdaragdag ng Rusya ng suplay ng krudong langis at natural gas sa Tsina, pagpapalawak ng pagtutulungan sa enerhiyang nuklear, pagpapasulong ng kooperasyon sa paggawa ng koryente at iba pa.
Idinagdag ni Xi na kailangan ding palalimin ng Tsina at Rusya ang ugnayan sa mahahalagang isyung pandaigdig para magkasamang pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng rehiyon at buong mundo.
Ipinahayag naman ni Putin ang kahandaan ng Rusya na pasulungin, kasama ng Tsina ang paggagalugad sa langis at natural gas at ang pagpapasulong ng bilateral na kooperasyon sa enerhiyang nuklear. Suportado rin aniya ng Rusya ang proposal ng Tsina hinggil sa pagtatatag ng Silk Road Economic Belt at Maritime Silk Road.
Salin: Jade