Sinabi kahapon ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang karapatang pandagat ng Tsina sa South China Sea ay nababatay sa kasaysayan at nasa ilalim ng proteksyon ng pandaigdig na batas.
Ipinahayag ni Hong ang nasabing paninindigan sa regular na preskon bilang tugon sa pananalita ni Daniel Russel, Asistenteng Kalihim ng Estado ng Amerika sa mga Suliranin ng Silangang Asya at Pasipiko. Sa congressional testimony noong ika-6 ng buwang ito, tinukoy ni Russel na ang pag-angkin ng Tsina sa halos lahat ng teritoryong pandagat sa South China Sea, batay sa nine-dash line ay labag sa pandaigdig na batas, at kailangang ipaliwang o isaayos ng Tsina ang naturang paninindigan.
Inulit ng tagapagsalitang Tsino na ang hanggahang pandagat ng Tsina ayon sa nine-dash line ay opisyal na isinapubliko sa mapa noong 1947 at inilakip din ito sa mga mapa, sapul nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina noong 1949.
Ipinagdiinan din ni Hong na palagiang nagpupunyagi ang Tsina para malutas ang alitang pandagat sa pamamagitan ng pakikipagdiyalogo sa mga direktang may-kinalamang bansa. Kasabay nito, lubos aniyang pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) na nilagdaan ng Tsina at mga bansang ASEAN, para matiyak ang kaligtasan ng South China Sea.
Idinagdag ni Hong na hindi konstruktibo ang pananalita ni Russel sa paglutas ng nasabing isyu. Aniya pa, ang paglikha ng mainit na paksa at paghahasik ng tensyon ay hindi nakakatulong sa katatagan ng Timogsilangang Asya.