Ipinatalastas ngayong araw ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Timog Korea na sisimulan sa ika-24 ng buwang ito ang dalawang magkasanib na pagsasanay-militar ng T.Korea at Amerika.
Ipinahayag ni Kim Min-seok, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng T.Korea na idaraos ang pagsasanay-militar na tinatawag na "Key Resolve" sa ika-24 ng buwang ito hanggang ika-6 ng susunod na buwan. Binigyan-diin ni Kim na ito ay regular na pagsasanay para sa seguridad, at lalahok dito ang mahigit 5,200 sundalong Amerikano. Tatagal naman hanggang ika-18 ng Abril ang isa pang pagsasanay na may codename na "Foal Eagle" at lalahok dito ang mahigit 7,500 sundalong Amerikano.
Nauna rito, hinimok ng Hilagang Korea ang T.Korea at Estados Unidos (E.U.) na huwag idaos ang mga nasabing pagsasanay, kung hindi, muli nitong isasaalang-alang ang kasunduan hinggil sa pagkikita ng mga nahiwalay na magkamag-anak ng Timog at Hilagang Korea.
salin:wle