Ipinahayag kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang pananalita nina Pangalawang Puong Ministro Taro Aso ng Hapon at Esturo Honda, Tagapayo ng Pamahalaang Hapones kaugnay ng pagbigay-galang ni Punong Ministro Shinzo Abe sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang 14 na Class-A criminals noong World War II (WWII), ay nagpapakitang wala silang intensyon na pagsisihan ang mapanalakay na kasaysayan ng kanilang bansa.
Sinabi kamakalawa ni Aso sa pulong ng Diet, Kongreso ng Hapon na makatwiran para sa gobyerno na magbigay-galang sa mga nagbuwis ng buhay para sa bansa. Dagdag pa niya, ang Timog Korea at Tsina lamang ang bumatikos sa pagbisita ni Abe sa Yasukuni. Nang araw ring iyon, sinabi naman ni Honda sa American media na kung hindi nagbigay-galang si Abe sa Yasukuni, humina na ang puwesto ng Hapon sa daigdig.
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na nagsisilbing katibayan ang pananalita ng nasabing mga opisyal na Hapones na kailangang mananatiling alerto ang mga kapitbansang Asyano at komunidad ng daigdig sa direksyong pulitikal ng Hapon.
Salin: Jade