|
||||||||
|
||
SINABI ni AFP Chief of Staff General Emmanuel T. Bautista na lubhang naging abala ang mga kawal ng bansa noong 2013 mula sa krisis na naganap sa Sabah, kidnapping ng mga kawal na Pilipinong nakatalaga sa Golan Heights (Syria), ang krisis sa Zamboanga at mga kalamidad tulad ng malakas na bagyong "Yolanda."
Sa kanyang talumpati sa "Prospects 2014," ang taunang palatuntunan ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni General Bautista na umaasa pa rin ang kanyang tanggapan na magagawa ang mga inaasahang gawain at magkakaroon ng payapa at maunlad na bansa sa mga susunod na panahon.
Sa larangan ng internal security, nasa ikatlong taon na ang AFP sa pagpapatupad ng Internal Peace and Security Plan "Bayanihan" na layuning makamtan ang kapayapaan sa halip na magapi o matalo ang mga kalaban. Nasa kalahatian na ang palatuntunang ito. Layunin nilang magkaroon ng political settlement sa MILF, matalo ang Abu Sayyaf Group at iba pang mga kinikilalang terorista at limutin nang Communist Party of the Philippines at ng New People's Army ang armadong pakikibaka.
Saksi na ang lahat sa nalalapit na tagumpay sa pagkakaroon ng payapang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front. Sa panig ng Abu Sayyaf Group at iba pang grupo, tuloy ang military operations laban sa kanila at maging sa BIFF at maging Misuari Breakaway elements ng MNLF.
Nabawasan na ang mga pagkilos ng New People's Army mula sa 587 noong 2008 at nagkaroon na lamang ng 477 noong 2013. Nawala na ang insurgency sa 16 na lalawigan. Nitong 2013, nakasama na sa mga lalawigang walang mga gerilya ang Pampanga (sa Gitnang Luzon).
Sa mga tagumpay na nakakamtan ng Armed Forces of the Philippines, makapagtutuon na sila ng pansin sa territorial defense at sa epekto ng climate change.
Sa karanasan noong bagyong "Yolanda", kinailangan nilang baguhin ang ilang palatuntunan sa pagtugon sa emerhensya. Naniniwala rin si General Bautista na payapang malulutas ang 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng diplomasya at pandaigdigang arbitration.
Ipagtatanggol pa rin ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang nasasakupan nito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |