|
||||||||
|
||
MATAPOS ang 28 taon mula ng maganap ang EdSA People Power 1 na siyang naging dahilan upang maluklok sa panguluhan si Gng. Corazon Cojuangco Aquino, nahaharap pa rin ang bansa at pamahalaan sa mga suliraning panglipunan.
Ito ang pananaw nina dating Tourism at Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III, Pastor "Boy" Saycon, Inday Varona Espina, Triccie Sison at Professor Lisandro Claudio ng Ateneo de Manila University.
Ayon kay dating Kalihim Alunan, tuloy pa rin ang "rebolusyon" dahilan sa suliraning may kinalaman sa kahirapan at katiwalian. Nararapat itong masugpo at isang malaking hamon ito sa mga namumuno ng bansa.
Para kay G. Saycon, Estados Unidos ang nakinabang sa pagkakaroon ng EdSA People Power sapagkat ang Pilipinas ang kinikilalang tanghalan ng demokrasya ng Estados Unidos sa Asia. Lagi umanong kumakampi ang America sa sinumang magtatanggol sa kanilang interes.
Bagaman, naniniwala si Gng. Varona Espina, dating chairperson ng National Union of Journalists of the Philippines, bagama't lumaya at dumami ang mga mamamahayag matapos ang EdSA People Power 1 noong 1986, nararapat ding kilalanin ang mga nanindigan laban sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nakilala ang "mosquito press" na binubuo ng mga college editors na nagpatakbo ng mga pahayagang "We Forum" at "Malaya." Nagkaroon din ng mga "alternative press" tulad ng "Philippine News and Features" at iba pang mga "news agencies" sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Professor Claudio na bagama't personal siyang nagdududa sa "Miracle at EdSA," naniniwala siyang may papel na ginampanan ang mga gerilyang kabilang sa New People's Army at Moro National Liberation Front na harapang lumaban sa pamahalaan. Ani G. Claudio, kahit wala silang mga kinatawan sa EdSA noong 1986, may papel silang ginampanan sa paglaban sa pamahalaan.
Idinagdag ni G. Alunan na nauunawaan niya ang paniniwala ni Professor Claudio na nagsabing walang milagrong naganap sa EdSA sapagkat wala si G. Claudio noong maganap ang EdSA People Power 1. Maituturing na milagro ang naganap sapagkat sa harap ng mga kawal na tapat sa pamahalaan at mga mamamayang nanindigan ay walang anumang sagupaang naganap, sa loob ng apat na araw sa Epifanio de los Santos Avenue sda pagitan ng Quezon City at Mandaluyong.
Milagrong maituturing ang hindi pagtama ng teargas sa mga mag-aaral ng Ateneo de Manila at De La Salle University sa panulukan ng Santolan Road at Katipunan Avenue sapagkat naiba ang ihip ng hangin at tumama ang teargas sa mga kawal.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |