PINABALIK sa Pilipinas mula sa Malaysia ang higit sa 1,000 mga Pilipinong walang mga dokumento. Ayon sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, may 1,113 mga Pinoy mula sa Sabah ang naproseso ng Department of Social Welfare and Development mula sa kanilang pagbalik sa kanilang mga bayan mula unang araw ng Enero hanggang ika-19 ng Pebrero.
Itinanggi ni Assistant Secretary Raul Hernandez ang lumabas na balitang may 100,000 mga Pilipino ang ipinatapon mula Sabah ang nasa evacuation centers sa Tawi-Tawi.
Idinagdag ni G. Hernandez na inalam nila ang impormasyon mula sa Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur at nabatid na wala itong katotohanan.
Sinimulan ang operasyon ng Malaysia at pinangalanang "Ops Bersepadu" laban sa mga illegal workers. Tinataya ng Pilipinas na aabot sa 700,000 overseas Filipino workers ang nasa Malaysia ngayon. Sa datos ng Commission on Filipinos Overseas, mayroong 447,590 "irregular" Filipinos sa Malaysia. Ang temporary Filipinos ay umabot sa 212,951 samantalang mayroong 26,006 permanent residents sa Malaysia.