Ipinahayag kahapon ni Qin Gang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na muling ipinakita ng pananaksak sa Istasyon ng Tren ng Kunming noong nagdaang Sabado na ang terorista ay kaaway ng sangkatauhan. Idinagdag niyang ang mga malupit na terorista ay gumawa ng krimen laban sa mga inosenteng sibiliyan at tumayo sila bilang kalaban ng lahat ng nasyon at relihiyon.
Ipinangako niyang buong-tinding bibigyan-dagok ng Tsina ang terorismo sa anumang porma, saanman, kailanman at sa anumang organisasyon na mayroon silang kaugnayan.
Pinasalamatan din niya ang suporta ng komunidad ng daigdig sa Tsina pagkaraang maganap ang teroristikong pag-atake. Aniya, ang pagkondenna at pagkapoot ng komunidad ng daigdig sa mga terorista at ang kanilang pakikidalamhati sa mga biktima ay nagpapakita ng pagkamakatao at konsiyensiya ng sangkatauhan.
Noong gabi ng nagdaang Sabado, walang-habas na sinaksak ng mga terorista ang mga tao sa Istasyon ng Tren ng Kunming, kabisera ng lalagiwang Yunnan sa dakong timog-kanluran ng Tsina. 29 mamamayang Tsino ang napatay at 143 ang nasugatan sa pag-atakeng ito. 20 sa 143 sugatan ay nasa kritikal na kondisyon pa rin.
Salin: Jade