Pinabulaanan kahapon ni Qin Gang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pagpuna ng Hapon hinggil sa badyet-militar ng Tsina para sa taong ito.
Sa isang regular na preskon, ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na makatwrian ang katamtamang paglaki ng badyet na pandepensa ng Tsina, at naaayon ito sa paglaki ng pambansang kabuhayan.
Isinapubliko kahapon ng Tsina ang mahigit 800 bilyong Yuan o 130 bilyong dolyares na badyet-militar para sa taong ito. Ito ay mas mataas ng 12.2% kumpara sa badyet noong 2013. Ang badyet na ito ay isinumite kahapon sa idinaraos na sesyong plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina para suriin.
Inulit din ni Qin ang pananangan ng Pamahalaang Tsino sa mapayapang pag-unlad, militar na may depensibong katangian militar.
Napag-alamang nananatili sa pagitan ng 1% hanggang 2% ang proporsyon ng badyet-militar ng Tsina sa GDP nito, nitong ilang taong nakalipas. Mas mababa ito kumpara sa pamantayang pandaigdig na 3%.
Salin: Jade