Ipinahayag ngayong araw ni Ginang Fu Ying, Tagapagsalita ng Ika-2 Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, na sa pagpupunyagi ng Tsina sa ibayo pang pagbibigay-dagok sa terorismo sa hinaharap, inaasahan nito ang mas malaking pang-unawa at suporta ng daigdig.
Winika ito ni Ginang Fu sa isang news briefing hinggil sa sesyong plenaryo ng NPC na idaraos bukas. Kaugnay ng teroristikong pag-atake sa Istasyon ng Tren ng Kunming noong nagdaang Sabado, ipinahayag niya ang kanyang pagkondena sa walang-habas na pananaksak ng mga terorista sa mga inosenteng sibilyan, at ang pakikiramay sa mga biktima. Ipinahayag din niya ang panalangin sa mga sugatan at ang pagpugay sa mga pulis at sibilyan na nakibaka sa mga terorista sa pinangyarihan ng karahasan.
Ipinagdiinan niyang walang-hanggahan ang terrorismo at ang paglaban sa terorismo ay nangangailangan ng magkakasamang pagsisikap ng komunidad ng daigdig.
Noong gabi ng nagdaang Sabado, walang-habas na sinaksak ng mga terorista ang mga tao sa Istasyon ng Tren ng Kunming, kabisera ng lalagiwang Yunnan sa dakong timog-kanluran ng Tsina. 29 mamamayang Tsino ang napatay at 143 ang nasugatan sa pag-atakeng ito. 20 sa 143 sugatan ay nasa kritikal na kondisyon pa rin.