Kaugnay ng di matukoy na dahilan ng paglaho at pagkawala ng kontak sa flight MH370 ng Malaysia Airlines, ipinahayag kahapon ni Tagapagsalita Qin Gang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa kasalukuyang yugto, ang paghahanap at pagliligtas ay pinakamahalagang gawain.
Ani Qin, pagkaraang maganap ang naturang insidente, lubos na pinahahalagahan ito ng partido at pamahalaan ng Tsina. Lubos din aniya ang pagkabahala ng mga mamamayang Tsino sa mga Tsino at dayuhang pasahero ng naturang eroplano.
Dagdag pa niya, kasalukuyang puspusang nagsasagawa ang may-kinalamang departamento ng Tsina ng gawain ng paghahanap at pagliligtas, at pinananatili ng panig Tsino ang mahigpit na pakikipagkoordina sa mga may-kinalamang bansa na gaya ng Malaysia at Biyetnam, para hanapin ang nawalang eroplano sa lalong madaling panahon.
Salin: Li Feng