Inulit ngayong umaga ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na hinding hindi itatakwil ang paghahanap at pagliligtas ng nawawalang MH370 hangga't may pag-asa.
Winika ito ni Premyer Li habang sumasagot siya sa mga mga tanong ng mga mamamahayag mula sa loob at labas ng Tsina kaugnay ng maiinit na paksa sa katatapos na Ika-2 Sesyong Plenaryo ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan (NPC), kataas-taasang lehislatura ng Tsina.
Ipinagdiinan ni Li na ang nawawalang Malaysia Airline Flight ay nakakaantig sa Pamahalaan at mga mamamayang Tsino. Sinabihan niya kahapon ang captain ng isa sa mga bapor ng Tsina na ipinadala para sa paghahanap at pagliligtas na pag-ibayuhin pa ang kanilang pagsisikap para rito.
Idinagdag niyang patuloy na makikipagtulungan ang panig Tsino sa mga bansang kalahok sa magkakasamang paghahanap at pagliligtas para malaman ang dahilan ng insidente. Ipinangako rin niyang gagawin ng Pamahalaang Tsino ang lahat ng makakaya para maprotektahan ang kaligtasan ng mga mamamayang Tsino sa ibayong dagat sa pamamagitan ng pandaigdig na pagtutulungan.
Salin: Jade