|
||||||||
|
||
Hiniling kahapon ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Malaysia na magbigay ng agaran, tumpak at komprehensibong impormasyon sa Tsina kaugnay ng paghahanap at pagliligtas ng nawawalang Malaysia Airlines Flight MH370.
Ipinahayag ni Premyer Li ang nasabing kahilingan sa kanyang pakikipag-usap sa telepono sa kanyang counterpart na Malay na si Najib Razak.
Ipinagdiinan ng premyer Tsino na nananatili pa ring pinakapangunahing tungkulin ang paghahanap at pagliligtas sa nawawalang eroplano. Kailangang magsikap sa abot ng makakaya hangga't may pag-asa.
Ipinahayag din ng premyer Tsino na mahigit sampung bapor, ilang bapor at 21 satellite ang ginagamit ng Tsina para mahanap at mailigtas ang nawawalang eroplano. Ipinaalam din ng Tsina sa 25 bansa ang may kinalamang impormasyon para humingi ng kanyang tulong.
Hiniling din ni Li kay Najib na kasabay ng paghahanap at pagliligtas, kailangan ding pasulungin ang imbestigasyon hinggil sa dahilan ng pagkawala ng eroplano. Kailangan din aniyang alagaan nang mabuti ng Malaysia ang mga kamag-anak ng mga pasaherong Tsino.
Ipinahayag naman ni Najib na magpapatuloy ang kanyang bansa sa paghahanap at pagliligtas hangga't mahanap ang eroplano.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng umaga noong ika-8 ng buwang ito (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan di-umano ito ng kontak sa air traffic control.
Isandaa't limampu't apat (154) sa 239 na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade
| ||||||
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |