|
||||||||
|
||
NAGHIHIRAP ang mga may truck at mga negosyante matapos ipatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagbabawal sa mga cargo truck na maglakbay sa araw upang gumaan ang daloy ng mga sasakyan.
Sa idinaos na pagtitipon sa Manila Hotel, sinabi ni Engr. Bert Suansing na sinubukan na ito noong 1991 ng hilingin ng Department of Transportation and Communications sa mga may truck na sa gabi na lamang magyaot sa mga lansangan ng lungsod sa loob ng ilang linggo. Tumaas ang halaga ng kargamento ng may 50% at tumaas ang halaga ng mga paninda ng may 30%.
Ayon kay Samson Gabisal, isa sa mga pinuno ng Aduana Business Club, ang truck ban ang magiging dahilan ng pagkamatay ng kanilang industriya at pagkalugso ng ekonomiya.
Tataas din ang presyo ng mga paninda ng may 30%. Sa ilalim ng truck ban na ipinatutupad ng administrasyon ni Mayor Joseph Estrada, bawal magyaot ang mga truck sa Maynila mula ika-lima ng umaga hanggang ika-siyam ng gabi mula noong ika-24 ng Pebrero.
Nagkaroon ng tatlong-araw na protesta ang mga tsuper at may-ari ng mga truck at inayos ang schedule na ginawang ika-10 ng umaga hanggang ika-lima ng hapon ang pagbabawal. Sa kabila ng adjustment na ginawa, mahihirapan pa rin umano ang publiko sa epekto ng truck ban.
Ipinaliwanag ni Engr. Suansing na ipapasa na lamang nila sa mga mamimili ang anumang pagkalugi nila sa pagkabalam ng pagdadala ng mga kargamento. Mas matagal ang pananatili ng mga kargamento sa mga truck kaya't tataas ang presyo nito.
Mas maganda umanong payagan silang maglakbay ng may 16 na oras upang huwag ng tumaas ang presyo ng bilihin.
Sinabi rin ni Philippine Ports Authority Manager Francisquiel Mancile na ang truck ban ang magiging dahilan ng patuloy na pagdami ng mga container van sa pier at maging sa mga bodega.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |