Ipinahayag kahapon ni Punong Ministro Dmitry Medvedev ng Rusya, na hindi ikinababahala ng kanyang bansa ang mga sangsyon ng Amerika at Unyong Europeo (EU).
Pagkatapos ng Nuclear Security Summit sa the Hague, Netherlands, sinabi ni Pangulong Barack Obama ng Amerika, na kung hindi iwawasto ng Rusya ang paninindigan at aksyon sa isyu ng Crimea, palalawakin ng Amerika at EU ang saklaw ng sangsyon sa Rusya na kinabibilangan ng enerhiya, pinansiya, sandata at negosyo.
Kaugnay nito, sinabi ni Medvedev na ang anumang sangsyon ay hindi makapipigil sa mga mangangalakal na gustong magnegosyo sa Rusya. Sinabi pa niya na pananatilihin ng Rusya ang pakikipagtulungan sa mga dayuhang bahay-kalakal ng petrolya at natural gas.
Ayon sa pahayag ng United Nations, umaasa si Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng UN na isasagawa ng Rusya at Ukraine ang direktang diyalogo para mapayapang lutasin ang kanilang hidwaan.
Bukod dito, tatalakayin bukas ng Pangkalahatang Asemblea ng UN ang hinggil sa isyu ng Ukraine.