|
||||||||
|
||
Nagtagpo kahapon sa Kiev sina Punong Ministro Arseniy Yatsenyuk ng Ukraine at Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng United Nations (UN), hinggil sa kalagayan ng Crimea at isyung may kinalaman sa mga kasunduan ng Ukraine at Unyong Europeo (EU).
Sa kanilang pagtatagpo, inulit ni Yatsenyuk na hindi tinatanggap ng kanyang bansa ang resulta ng reperendum sa Crimea. Ipinahayag naman ni Ban ang pagkatig sa pagsisikap ng pamahalaan ng Ukraine at mga mamamayan nito.
Bukod dito, sinabi ni Ban na ang Association Agreement na nilagdaan ng Ukraine at EU ay nagpapakita ng mainam na kakayahan ng Ukraine sa nagsasariling pagtatakda ng landas ng pag-unlad.
Samantala, nananatili pa rin ang krisis sa Crimea. Ayon sa pahayag ng Ministri ng Tanggulan ng Ukraine nang araw ring iyon, sapilitan nitong iniurong ang mga tropa ng Ukraine sa Crimea dahil sa pag-atake ng tropang Ruso at sandatahang lakas ng Crimea.
Nauna rito, ipinasiya ng Organization for Security and Co-operation in Europe (OSCE) na ipadala ang isang espesyal na grupong tagapagmasid sa Ukraine para tulungang mapahupa ang tensyon sa bansang ito, at pasulungin ang kapayapaan, katatagan at kaligtasan doon.
Kaugnay nito, kapwa ipinahayag ng Pransya at Rusya ang pagtanggap sa naturang kapasiyahan.
Ipinalalagay ng Pransya na dapat ipadala ng OSCE ang grupong tagapagmasid sa lalong madaling panahon para mapigilan ang paglalala ng kalagayan sa Ukraine at tumulong sa pagsasagawa ng reporma sa kabuhayan at pulitika ng bansa.
Umaasa rin ang Rusya na ang grupo ng OSCE ay makakatulong sa pagpigil ng mga marahas na aksyon ng mga ekstrimista sa Ukraine, mapasulong ang pambansang rekonsilyasyon, at maigarantiya ang karapatan ng iba't ibang lahi ng bansang ito sa relihiyon, pulitika, wika, edukasyon, at kultura.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |