Patuloy hanggang kahapon ang magkakasamang paghahanap sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines sa Indian Ocean. Pero, mula nagdaang Martes hanggang kahapon, walang namonitor na pinaghihinalaang signal galing sa black box ng nawawalang eroplano.
Ayon sa Australia, bansang tagapag-koordina sa misyon ng paghahanap, lumampas na sa 57,000 metro kuwadrado ang saklaw ng paghahanap kahapon sa dakong hilagang-kanluran ng Perth, Australia. Mas malawak ang saklaw na ito kumpara kamakalawa.
Kasabay nito, pinag-ibayo rin ng panig Tsino ang pagsisikap sa paghahanap ng nawawalang eroplano.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control, habang lumilipad sa Ho Chi Minh City, Biyetnam.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade