Perth, Australia—ipinahayag dito kahapon ng Joint Agency Coordination Center (JACC) na 80% ng focused underwater area ang nagalugad na ng Bluefin-21 sa Indian Ocean, pero wala itong natuklasang bagay na may kaugnayan sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Ayon sa Australia, bansang tagapagkoordina sa misyon ng magkakasamang paghahanap, nakikipag-usap na ito ngayon sa Tsina, Malaysia at Amerika para sa plano ng paghahanap sa susunod na yugto. Inaasahang maipapatalastas ang plano sa susunod na linggo.
Ipinasiya ng JACC na gamitin ang Bluefin-21 bilang underwater vehicle para sa paghahanap noong ika-14 ng buwang ito makaraan ang anim na araw na bigong paghananap sa pinaghihinalaang signal na galing sa nawawalang eroplano.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade