|
||||||||
|
||
Nag-usap sa telepono kahapon ng hapon sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Tony Abbott ng Australia hinggil sa paghahanap sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Makaraang pakinggan ang mga hakbangin sa usunod na yugto ng paghahanap sa nawawalang eroplano, sinabi ni Premyer Li na marami ang ginagawa ng komunidad ng daigdig para sa paghahanap sa eroplano. Ipinahayag niya ang pasasalamat ng panig Tsino sa Australia bilang bansang tagapagkoordina sa magkakasamang misyon sa southern Indian Ocean at sa suporta nito sa mga bapor at eroplano ng Tsina na kasali sa paghahanap.
Tinukoy ng premyer Tsino na sa susunod na yugto kung saan lalawak ang lugar na paghahanapan sa ilalim ng dagat, kailangang patuloy na magpunyagi ang Tsina, Australia at Malaysia para sa misyong ito. Ito aniya ang obligasyon ng tatlong bansa para sa mga kamag-anak ng mga pasahero at tauhan ng nawawalang eroplano. Nakahanda aniya ang Tsina na patuloy at buong-sikap na sumali sa paghahanap sa bagong yugto.
Ipinahayag naman ni Abbott na pag-iibayuhin ng Australia, kasama ang Tsina at iba pang mga bansa, ang pagsisikap para sa paghahanap sa nawawalang eroplano.
Pinag-usapan din ng dalawang punong ministro ang hinggil sa pagpapasulong ng estratehikong partnership ng Tsina at Australia.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade
| ||||
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |