KUALA LUMPUR, Malaysia—ipinahayag dito kahapon ni Hishammuddin Hussein, Umaaktong Ministro ng Transport ng Malaysia na inaasahang mailalabas ngayong araw ang preliminaryong ulat hinggil sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Idinagdag niyang magtutungo siya sa Australia sa darating na linggo para makipagtalakayan, kasama ang Australia at Tsina, hinggil sa susunod na yugto ng paghahanap.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade