Kuala Lumpur, Malaysia—Ipinahayag dito kahapon ni Hishamuddin Hussein, Pansamantalang Ministro ng Transport ng Malaysia na isusumite sa Gabinete ng bansa ng kanyang ministri, kasama ang Ministri ng Tanggulang-bansa at Ministring Panlabas, ang ulat na may kinalaman sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Mababasa sa ulat ang napagkasunduan ng Australia, Malaysia at Tsina sa kanilang pinakahuling pulong hinggil sa nawawalang MH370, mga suhestsyon hinggil sa bagong yugto ng paghahanap na kinabibilangan ng mapping ng seabed ng southern Indian Ocean, at pagdedeploy ng propesyonal na resources.
Bilang tugon sa kahilingan ng mga pamilya ng pasahero ng MH370 na isapubliko ang mas maraming impormayson hinggil sa nawawalang eroplano, sinabi ni Hishammuddin na baka mauwi sa ispekulasyon ang mga impormasyon, kaya mas mabuti kung ang International Panel of Experts ang magpapasiya kung anong impormasyon ang puwedeng isapubliko.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade