Ayon sa pahayag ng Hukbong Pandagat ng Tsina, isang magkasanib na pagsasanay-militar na may codename na "Joint Sea-2014" ang idaraos ng mga Hukbong Pandagat ng Tsina at Rusya sa East China Sea mula ika-20 hanggang ika-26 ng buwang ito.
Sinabi kahapon ni Liang Yang, Tagapagsalita ng Hukbong Pandagat ng Tsina, na ang nilalaman ng nabanggit na pagsasanay ay kinabibilangan ng pagtatanggol sa mga puwerto, pag-atake sa mga target sa dagat, paglaban sa mga submarino, proteksyon sa linya ng paglalayag, at paghahanap at pagliligtas ng mga na-hi-jack na bapor.
Lalahok sa pagsasanay ang 14 na bapor, 2 submarino, 9 na eroplano, at ilang helikopter at mga kawal mula sa Tsina at Rusya.
Ipinahayag ni Liang na ang naturang pagsasanay ay naglalayong palalimin ang pagtitiwalaang pulitikal ng dalawang bansa at pahigpitin ang kooperasyon ng kanilang mga hukbo. Dagdag pa niya, ang naturang pagsasanay ay makakabuti sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan sa Silangang Asya at hindi ito nakatugon sa anumang ika-3 panig.
Salin: Ernest