Ipinahayag kahapon ni Hishamuddin Hussein, Pansamantalang Ministro ng Transport ng Malaysia na ilalabas ngayong araw ng Malaysia at International Maritime Satellite Organization (INMARSAT) ang preliminaryong datos hinggil sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysian Airlines. Ang datos ay magmumula sa INMARSAT.
Noong ika-20 ng buwang ito, sa kanilang magkasanib na pahayag, ipinatalastas ng Kawanihan ng Abiyasyong Sibil ng Malaysia at INMARSAT na ilalabas nila ang mga "nakakatulong na impormasyon" na kinabibilangan ng data communication logs at mga may kinalamang paliwanag dito. Ang layunin nito anila ay makatulong sa pagkaunawa ng mga kamag-anakan ng mga pasahero at mga mambabasa.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade