Kuala Lumpur, Malaysia--Ipinahayag dito kahapon ni Azharuddin Abdul Rahman, Pangkalahatang Direktor ng Departamento ng Abiyasyong Sibil ng Malaysia ang kanyang paniniwalang mahahanap ang nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Ipinagdiinan ni Azharuddin na kahit 100 araw na ang nakakaraan, hindi pa rin natitinag ang determinasyon ng Pamahalaan ng Malaysia na hanapin ang nasabing eroplano.
Tinukoy niyang hindi inilihim ng Malaysia ang mga impormasyong may kinalaman sa nawawalang eroplano. Aniya pa, hanggang sa kasalukuyan, isinapubliko na ng Pamahalaan ng Malaysia ang ulat na preliminaryo, rekord ng cockpit conversation, seat plan at listahan ng kargamento. Binigyang-diin niyang mayroon pa ring impormasyong may kinalaman sa kasalukuyang imbestigasyon, kaya, ito ay hindi pa puwedeng isapubliko hangga't hindi natatapos ang imbestigasyon.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control, habang lumilipad sa Ho Chi Minh City, Biyetnam.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade