Sa kanyang pakikipag-usap kahapon sa Beijing kay Pandikar Amin Mulia, dumadalaw na Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Malaysia, ipinahayag ni Zhang Dejiang, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, na bilang matalik na magkapitbansa ang Tsina at Malaysia, umaasa siyang lalakas pa ang pagpapalitan ng parliamento ng Tsina at Malaysia sa larangan ng pangangasiwa sa bansa at pagpapasulong ng demokrasya, alinsunod sa batas. Ito aniya ay para ibayo pang pasulungin ang relasyong Sino-Malay.
Ipinahayag naman ni Pandikar Amin Mulia ang kahandaan sa pagpapasulong ng pagpapalitan at pagtutulungan ng parliamento ng dalawang bansa para pasulungin pa ang kanilang estratehikong partnership sa ibat-ibang larangan. Pinasalamatan din niya ang tulong na ibinibigay ng Tsina para sa paglutas sa mga isyung may-kinalaman sa pagkakawala ng eroplano ng Malaysia Airlines. Ipagpapatuloy aniya ng Malaysia ang paghahanap sa naturang eroplano.