Patuloy hanggang ngayon ang sagupaan sa gawing silangan ng Ukraine.
Ayon sa ulat, isang mainitang pagpapalitan ng putok ang naganap kahapon sa pagitan ng hukbo ng pamahalaan at sandatahang lakas sa lokalidad.
Samantala, nang araw ring iyon, sa kanyang pakikipag-usap sa telepono kay Pangalawang Pangulong Joseph Biden ng Amerika, ipinahayag ni Petro Poroshenko ng Ukraine na nakahanda itong panumbalikin ang tigil-putukan at talastasang pangkapayapaan batay sa pagtalima ng ibat-ibang panig sa mekanismo ng tigil-putukan, pagpapalaya sa mga hostage, at superbisyon ng Organization for Security at Cooperation in Europe(OSCE) sa purok-hanggahan ng Ukraine at Rusya.
Nang araw ring iyon, nag-usap din sa telepono sina Pangulong Francois Hollande ng Pransya, Chancellor Angela Merkel ng Alemanya at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng Ukraine. Hinihiling ng Pransya at Alemanya sa Rusya na himukin ang mga sandatahang tauhan sa gawing silangan ng Ukraine na nakipag-usap sa pamahalaan para marating ang kasunduang pangkapayapaan. Ipinahayag naman ni Putin na dapat maisakatuparan ang pangmatagalang tigil-putukan sa gawing silangan ng Ukraine alinsunod sa magkasanib na komunike na narating ng mga Ministrong Panlabas ng apat na bansa, at mabuo ang isang grupong tagapag-ugnay bago mag-ika-5 ng buwang ito.