|
||||||||
|
||
Ang bidding para sa komersyal na paghahanap sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines ay natapos na noong katapusan ng Hunyo. Isasapubliko ng Australia ang resulta sa loob ng ilang linggo.
Kaugnay nito, ipinahayag kahapon ng Ministri ng Transportasyon ng Tsina na patuloy itong magpapadala ng mga bapor para sumali sa komersyal na paghahanap sa nawawalang eroplano.
Sa kasalukuyan, ang komersyal na bapor na Fugro Equator ng Netherland at bapor 872 ng Hukbong Pandagat ng Tsina ay nagsasagawa ng misyon ng paghahanap sa bagong lugar na ipinalabas ng Australia noong ika-26 ng Hunyo.
Ang kompanya na mananalo sa nasabing bidding ay sasali sa dalawang bapor ng Netherland at Tsina.
Ang bagong lugar na may saklaw na humigit-kumulang 60 libong kilometro kuwadrado, ay matatagpuan sa timog ng pook kung saan nagsagawa ng misyon ng paghahanap ang mini-submarine Bluefin-21. Ang lugar ay 1,800 kilometro ang layo mula sa baybayin ng kanlurang Australia.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control, habang lumilipad sa Ho Chi Minh City, Biyetnam.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade
| ||||
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |