Hinimok kahapon sa New York ni Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng UN ang Palestina at Israel na walang pasubaling isagawa ang "makataong tigil-putukan" sa kapistahan ng EID'L FITR. Muling ipinahayag ni Ban na dapat maisakatuparan ng Palestina at Israel ang pangmatagalang tigil-putukan para ilatag ang pundasyon para sa komprehensibong talastasan.
Inilahad din ni Ban sa media ang resulta ng kanyang katatapos na pagbisita sa Gitnang Silangan at kasalukuyang kalagayan sa Gaza.
Ayon sa estadistika ng awtoridad ng kalusugan ng Palestina, mga isang libong Palestino ang nasawi at mahigit anim na libong iba pa ang nasugatan sa "Operation Protective Edge" na isinasagawa ng Israel sapul noong ika-8 ng buwang ito. Ang karamihan ng patay ay mga sibilyan. Samantala, sa panig naman ng Israel, ilampung Israeli ang nasawi, na kinabibilangan ng 42 sundalo.