Cairo, Ehipto—Ipinahayag kahapon ni dumadalaw na Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang pag-asang mapapanatiling estratehiko, pragmatiko at sustenable ang ugnayan ng Tsina at Ehipto.
Ipinahayag ito ni Wang nang katagpuin niya si Pangulong Abdel-Fattah El-Sisi ng Ehipto.
Ipinaabot ni Wang ang mensaheng pambati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay El-Sisi, sa kanyang muling panunungkulan bilang pangulo ng Ehipto. Inimbitahan din ni Xi si El-Sisi na dumalaw sa Tsina sa anumang sandali kung handa na siya.
Ipinaghayag ni Wang na ang kanyang pagdalaw sa Ehipto ay nagpakita ng pagkatig ng panig Tsino sa mga mamamayan at pamahalaan ng Ehipto. Ipinakita rin nito, ani Wang ang taos-pusong hangarin ng Tsina na palalimin ang pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa. Ipinagdiinan ni Wang na ang pagpapalalim ng relasyong Sino-Ehipto ay makakatulong sa balanseng pag-unlad ng relasyong pandaigdig. Malawak aniya ang potensyal ng pagtutulungan ng dalawang bansa sa makabagong agrikultura, enerhiya, daambakal, lansangan at haytek na pangkalawakan. Nakahanda rin ang Tsina na pahigpitin ang pakikipagkoordinasyon sa Ehipto sa mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni El-Sisi ang pasasalamat sa pagdalaw ni Wang at pangungumusta ni Pangulong Xi. Pinasalamatan din niya ang Tsina sa suporta nito sa Ehipto sapul nang magbago ang kalagayan ng bansa. Ipinahayag din niya ang pagtanggap sa pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino.
Salin: Jade