|
||||||||
|
||
MAYNILA, XINHUA—Nagprotesta kahapon sa harap ng Pasuguan ng Hapon ang ilampung dating Filipino comfort women, kasama ang kanilang mga anak at apo. Ang "comfort women" ay eupemismo para sa mga sex slave ng hukbong Hapones noong World War II (WWII). Hiniling nila sa pamahalaang Hapones ang pag-amin at kompensasyon para sa sex slavery.
Humigit-kumulang 50 miyembro mula sa Lila Pilipina, organisasyon ng mga dating Filipino comfort women ang lumahok sa protesta. Dinala nila ang mga larawan ng mga namatay na miyembro at placard kung saan nakasulat ang "ginahasa kami" at "humihingi kami ng katarungan."
Napaluha ang 85 taong-gulang na si Narsisa Claveria nang banggitin niyang ginahasa siya at ang kanyang dalawang kapatid ng mga sundalong Hapones. Sinabi rin niyang sapilitan silang pinaglaba ng damit ng mga sundalong Hapones noong digmaan. Aniya pa, nasiraan ng bait ang kanyang nakakatandang kapatid dahil dito at hindi na rin niya nakita ang isa pang kapatid pagkaraan ng digmaan.
Ipinagdiinan niyang bilang buhay na saksi, dapat silang magprotesta.
Buhay pa rin ang 97 sa 174 na miyembro ng Lila Pilipina.
Sinabi naman ni Rechilda Extremadura, Direktor na Tagapagpaganap ng nasabing organisasyon na inuulit-ulit ng kanyang grupo ang pagpapaamin sa pamahalaang Hapones at paghingi ng kompensasyon dahil nangangamba ang matatandang Pilipina na hindi nila makakamtan ang katarungan habang buhay pa sila.
Idinagdag pa ni Extremadura na ang pamahalaang Hapones ay nagpapakita ng mixed signals. Sa isang banda, kinikilala aniya nito ang Kono Statement, sa kabilang banda, nagpapataw ito ng mahigpit na requirement pagdating sa dokumentasyon na nagpapatunay sa pag-iral ng comfort women noong WWII.
Hiniling din niya sa pamahalaang Pilipino na gumawa ng hakbang hinggil sa isyu ng comfort women.
Nagprotesta ang grupo kahapon dahil ngayong araw ay 69 na anibersaryo ng pagtatapos ng WWII.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |