Pormal na nagbukas kagabi ang Ikalawang Youth Olympic Games (YOG) sa Nanjing, lalawigang Jiangsu ng Tsina. Pitong atletang Pilipino ang kasalukuyang lumalahok sa anim na sports events. Sa panayam ng Serbisyo Filipino sinabi ni Jonne Go, Chef de Mission ng Pilipinas, "Napapanahon nang pagtuunan ng pansin ang YOG kung nais ng Pilipinas na makakamit ng Olympic medal. Dito sa YOG lahat ng mga atleta ay minsan lang magkakaroon ng pagkakataon na lumahok. Kaya kung ating tatasahin, lahat ay pantay-pantay. Walang lamangan, walang kumbaga matagal ka na ba dito o hindi. Meron lang iisang pagkakataon kaya dapat magpokus rito."
Nang kamustahin ang lagay ng mga atleta sinabi ni Go na sila'y nakapokus sa pagsasanay at sumusunod sa mga takdang mga aktibidad. Kailangan din nilang maging pamilyar sa lugar ng paligsahan at maging kumportable sa klima ng Nanjing.
Dagdag ng Chef de Mission na mataas ng morale ng flag bearer na si Gabriel Moreno. Excited at solo siyang pumarada sa Seremonya ng Pagbubukas ng YOG. Si Moreno ay isa sa dalawang Archers ng bansa na umaasang makakasungkit ng medalya.
Hinggil naman sa kanyang pagtasa sa pagpapatakbo ng YOG, sinabi ni Go na may kaunting problema sa pagbibigay ng transportasyon ang IOC pero sa kabuuang sabi niya "It's really the best. Puno ng mga aktibidad sa loob ng village. Hindi ka mababagot. At kasabay nito kasama mo ang 204 na bansang lumalahok sa paligsahan, nakakikilala ng mga kaibigan na mula sa ibang lahi at kultura. Napaka-interesante nito." PHOTO CAPTION: Si Gabrieal Moreno ang kumatawan sa Team Pilipinas sa Parade of NOC sa Opening Ceremony ng Nanjing YOG