Tigil-putukan ng Palestina at Israel, tatagal ng 24 oras Sinang-ayunan kahapon ng Palestina at Israel ang muling pagsasagawa ng 24 oras na tigil-putukan para ipagpatuloy ang talastasang pangkapayapaan.
Ayon sa pahayagang Al-Ahram ng Ehipto, sasaklaw ang nasabing talastasan sa pagtatayo ng paliparan at daungan sa Gaza na iminungkahi ng Hamas. Samantala, tinanggap na ng Israel ang mungkahi ng Ehipto sa pagbubukas ng 5 lagusan mula Gaza tungo sa Israel.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ni Robert Serry, Sugo ng UN sa prosesong pangkapayapaan ng Gitnang Silangan na umaasa siyang mararating ng Palestina at Israel ang pagkakasundo sa mga isyung may-kinalaman sa pangmatagalang tigil-putukan sa Gaza sa lalong madaling panahon.