Dumalaw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Mongolia mula ika-21 hanggang ika-22 ng buwang ito. Ipinaghayag ng mga dalubhasa na pasusulungin pa nito ang relasyon ng dalawang bansa.
Ang pagdalaw ni Pangulong Xi ay nag-iwan ng malalim na impresyon kay Dendev Terbishdagva, Pangalawang Punong Ministro ng Mongolia. Sinabi niyang ang talumpati ni Pangulong Xi ay nakakatulong sa kanyang pagkaunawa sa kasaysayan ng Tsina at pambansang patakaran ng Tsina ng mapayapang pag-unlad. Aniya pa, ipinakita ni Pangulong Xi ang sinseridad ng Tsina na umunlad, kasama ang mga kapitbansa, para maisakatuparan ang komong pag-unlad.
Sinabi naman ni Alexander Larin, dalubhasa ng Far East Institute na nakabase sa Moscow, na ayon sa Magkasanib na Deklarasyon na nilagdaan ng Tsina at Mongolia, bilang dalawang pantay na partner na pangkooperasyon, ang pagpapataas ng dalawang bansa ng relasyon nila sa komprehensibong estratehikong partnership ay magpapalawak ng kanilang pagtutulungan sa iba't ibang larangan. Makakabuti ito sa interes ng dalawang bansa at makakabuti rin ito sa buong daigdig.
Ipinalalagay ni Mohammad Saget, dating Sugo sa Tsina ng Liga ng mga Bansang Arabe, na muling ipinakikita ng pagdalaw ng pangulong Tsino na pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapasulong ng relasyon nito sa mga kapitbansa. Idinagdag pa niyang ang Tsina ay isa sa mga bansang may pinakamaraming kapitbansa sa daigdig, kaya, ang pagpapaunlad ng Tsina sa relasyong pangkaibigan, kasama ang mga kapitbansa nito, ay makakatulong sa kasaganaan at katatagan hindi lamang ng magkapitbansa kundi ng Asya-Pasipiko.
Salin: Jade