Ayon sa ulat kahapon ng China News Service, ipinahayag ni Mirza Mohammad Taiyab, Direktor-Heneral ng Kawanihan ng Turismo ng Malaysia, na tatalakayin ng Ministri ng Turismo at Kultura ng Malaysia ang preperensiyal na patakaran ng pagbibigay ng 3-buwan na visa-free sa mga manlalakbay na Tsino, para makahikayat ng mas maraming turistang Tsino, at mapasigla ang turismo ng bansang ito.
Nitong nakalipas na ilang buwan, dalawang insidente ang naganap sa mga eroplano ng Malaysia Airlines, pinakagrabe, ang nawawalang eroplanong MH370 ay may lulang mahigit 150 pasaherong Tsino. Sanhi nito, sa bakasyon ng Labor Day ng taong ito, ang Malaysia ay di-napabilang, sa kauna-unahang pagkakataon, sa unang 10 puwesto ng mga paboritong bansang pinapasyalan ng mga turistang Tsino. Upang maakit ang mga Tsino, inilunsad kamakailan ng panig opisyal ng Malaysia ang isang serye ng mga preperensiyal na patakarang panturista.
Salin: Vera