Sa isang preskong inihandog kahapon sa Beijing ng Embahada ng Thailand sa Tsina, inilahad nito ang kalagayang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Thailand. Ito ay para sa nakatakdang negosasyon hinggil sa pagpapabuti ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Tsina at ASEAN(CAFTA).
Sinabi ni Apipon Khunakornbodintr, Thai Commercial Counsellor sa mga Suliraning Pampamumuhunan sa Tsina na katanggap-tanggap sa Thailand ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino, at ang Thailand ay magpapalabas ng patakarang preperensyal sa pagkokolekta ng buwis, pagbebenta ng lupa at iba pa para sa mga kompanyang Tsino.
Sinabi rin ni Phaichit Viboontanasarn, Ministro ng Office of Commercial Affairs ng Embahadang Thai sa Tsina, na natapos na ang kaligaligang pulitikal sa kanyang bansa. Ito aniya'y makakatulong sa muling pagsigla ng kabuhayang Thai.
Sa kasalukuyan, ang Tsina ang pinakamalaking trade partner at pinanggagalingan ng mga turista sa Thailand. Ngunit, naapektuhan ito ng di-matatag na kalagayang pulitikal sa bansa.