|
||||||||
|
||
Lumisan kahapon ng Pyongyang si Lee Yeong-ho, Kinatawan ng Hilagang Korea sa six-party talks hinggil sa isyung nuklear ng Korean Peninsula, patungong Singapore para magsagawa ng dalawang araw na talastasan kasama si Stephen Bosworth, Dating Espesyal na Kinatawan ng Estados Unidos sa Isyu ng Hilagang Korea.
Nauna rito, sa kanyang mensaheng pang-Bagong Taon, ipinahayag ni Kim Jong-un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea ang kanyang hangarin na magsagawa ang Hilaga at Timog Korea ng aktibong diyalogo, konsultasyon, pagpapalitan at pag-uugnayan sa taong ito. Ipinahayag din niyang kung magiging hinog ang panahon, walang dahilan na hindi idaraos ang talastasan sa "kataas-taasang antas." Ito ang unang pagkakataon na binanggit ni Kim ang summit meeting nitong tatlong taong nakalipas sapul nang manungkulan siya bilang puno ng bansa.
Bilang tugon, sinabi ni Pangulong Park Geun-hye ng Timog Korea na upang buksan ang pinto ng mapayapang reunipikasyon ng dalawang Korea, nakahanda siyang makipagkita sa sinuman.
Ayon sa isang komentaryo ng Xinhua, pambansang ahensiya sa pagbabalita ng Tsina, na ipinakikita ng mga ito na ang pokus ng relasyong diplomatiko ng Hilagang Korea sa taong ito ay ang Timog Korea at Amerika. Ang 2015 ay ika-70 anibersaryo ng paghulagpos ng Korean Peninsula sa pananakop ng Hapon at ito ring ika-70 anibersaryo ng paghiwalay ng Hilaga at Timog Korea.
Sa kabila ng bagong sangsyon na ipinataw ng Amerika laban sa Hilagang Korea dahil sa isyu ng hacking sa Sony website, noong ika-9 ng buwang ito, iminungkahi ng Hilagang Korea na pansamantalang ititigil ng Amerika ang pagsasanay militar kasama ang Timog Korea samantalang ititigil naman ng Hilagang Kore ang pagsubok na nuklear. Makaraang tanggihan ang nasabing mungkahi, ipinahayag din ng Hilagang Korea ang mithiin na magsagawa ng direktang diyalogo sa Amerika noong ika-13 ng buwang ito. Dahil dito, isasagawa ang nabanggit na diyalogo ng Hilagang Korea at Amerika sa Singapore.
Ipinalalagay ng komentaryo ng Xinhua na iminungkahi ng Hilagang Korea na itigil ang ensayong militar ng Amerika at Timog Korea dahil ilang beses na sinabi ni Kim Jong-un na kinakailangan ng bansa ang mapayapang kapaligiran para mapalago ang kabuhayan. Upang maisakatuparan ang pambansang kaunlarang pangkabuhayan, kailangang pasulungin ng Hilagang Korea ang relasyon nito sa Amerika at Timog Korea, magkaalyadong bansa.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |