DAVOS, Switerland--Sa kanyang keynote speech kahapon sa taunang World Economic Forum, inilahad ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang mga isinasagawa at isasagawang patakarang pangkabuhayan ng bansa at paano ito makakatulong sa pag-unlad ng daigdig.
Sinabi ni Premyer Li na sa kasalukuyan, sa halip ng mabilis na paglaki, pumapasok na ang kabuhayan ng Tsina sa katamtamang bilis ng paglaki. Kasabay nito, ang pag-unlad ng bansa ay kailangan ding iangat sa katamtamang taas ng antas, mula sa mababang lebel. Para rito, kailangang buong sikap na pasusulungin ng Tsina ang reporma sa pagbabago ng estruktura ng pambansang kabuhayan. Bukod dito, kailangan ding balansehin ang papel ng pamilihan at pamahalaan.
Noong 2014, umabot sa 7.4% ang taunang paglaki ng kabuhayan ng Tsina. Kumpara sa two-digit na paglaki ng Tsina nitong ilang taong nakalipas, ikinabahala ng mga bansa na ang bumagal na pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina ay magdudulot ng negatibong epekto sa kanila. Bilang tugon, sinabi ng Premyer Tsino na sa kasalukuyan, ang GDP ng Tsina ay nasa ikalawang puwesto sa daigdig. Kahit na 7% lamang ang taunang paglaki, lumampas pa rin sa 800 bilyong US dollars ang paglaki ng GDP. Mas mataas pa rin ito kumpara sa two-digit growth limang taon na ang nakaraan. Sa ganitong situwasyon, ang pokus ay ang pangmatagalang katamtamang taas ng paglaki at pagpapasulong ng kalidad ng pag-unlad.
Kilala sa skiing ang Davos. Sinabi ni Premyer Li na tulad ng sa pag-iski, kailangan din ng Tsina ang bilis, balanse at katapangan sa pagsasakatuparan ng sustenableng malusog na pag-unlad para makapagkaloob ng mas maraming pagkakataon para sa daigdig.
Salin: Jade