Ayon sa pinakahuling datos ng Pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Macao, noong ikatlong kuwarter ng 2014, bumaba nang 2.1% ang GDP ng rehiyon. Ito ang unang negatibong paglaki ng kabuhayan ng rehiyon nitong limang taong nakalipas.
Kaugnay nito, sinabi kahapon ni Fernando Chui Sai On, Punong Ehekutibo ng Macao na pagkaraan ng mahigit isang dekadang mabilis na pag-unlad sapul nang bumalik sa inang-bayan ang Macao noong 1999, pumapasok ngayon ang kabuhayan ng rehiyon sa yugto ng pagsasaayos. Ipinagdiinan niyang sa kasalukuyan, kailangang palaguhin ang kabuhayan ng Macao sa iba't ibang larangan, at kailangan ding pasulungin ang pakikipagtulungan ng Macao sa iba't ibang bansa't rehiyon.
Nitong mahigit sampung taong nakalipas, ang industriya ng pagsusugal ay nagsilbing pangunahing lakas na nagpasulong ng kabuhayan ng Macao. Ang pagbaba ng industriyang ito ay naging pangunahing dahilan ng pagbaba ng GDP ng Macao. Noong ikatlong kuwarter ng 2014, bumaba nang 12.3% ang industriya ng pagsusugal ng Macao. Sa kabila nito, tumaas naman ng 7.2% at 8.1% ang pribadong konsumo at konsumo ng pamahalaan ayon sa pagkakasunod. Umabot naman sa 41.5% ang pribadong pamumuhunan. Ipinakita ng mga ito na nanatiling masigla ang pangangailangang panloob.
Salin: Jade