NANGAKO si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang matulungan ang isang bilanggong babae na nasa death row sa Indonesia.
Ani G. Binay, ginawa na ng pamahalaan ang paraang legal ayon sa mga batas ng Indonesia at iginagalang ng Pilipinas ang kanilang mga batas. Idinagdag pa ng pangalawang pangulo na tuloy ang lahat ng paraang legal ayon sa judicial process ng kalapit-bansa.
Tiniyak ni G. Binay na ipararating ng Pilipinas ang lahat ng kailangang tulong sa napipiit. Humiling na ang Department of Foreign Affairs ng pagbabalik-aral sa usapin.
Nadakip ang Filipina sa Yogyakarta Airport noong Abril taong 2010 na may dalang 2.6 kilo ng heroina sakay ng isang eroplano mula sa Malaysia.
Ayon sa datos ng Migrant Workers' and Special Concerns Division ng Office of the Vice President, may 80 mga OFW na nahaharap sa parusang kamatayan sa buong daigdig. Karamihan ng mga usapin ay sa Saudi Arabia, China at Malaysia.