Bilang bansang tagapangulo ng United Nations Security Council (UNSC) para ngayong Pebrero, iminungkahi ng Tsina na idaos ang debatehan sa antas na ministeryal ng UNSC sa ika-23 ng Pebrero. Ang tema ng debatehan ay Pangalagaan ang Pandaigdig na Kapayapaan at Kaligtasan: Gawing Salamin ang Kasaysayan, Ulitin ang Mahigpit na Pagsunod sa Layunin at Prinsipyo ng Karta ng UN.
Ipinalalagay ni Ruan Zongze, Pangalawang Presidente ng China Institute of International Studies na ginawa ng Tsina ang nasabing mungkahi bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng UN.
Sinabi ni Ruan na ang pagkakatatag ng UN ay bunga ng tagumpay sa pakikibaka laban sa Pasismo. Ayon sa Karta ng UN, ang layunin ng pagkakatatag ng UN ay para iwasan ang muling pagdurusa sa digmaan ng mga susunod na henerasyon ng sangkatauhan. Ipinagdiinan ng dalubhasang Tsino na ang pinakamagandang paraan sa paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng UN ay gawing salamin ang kasaysayan, pangalagaan ang pandaigdig na kapayapaan at kaligtasan, at patingkarin ang kapangyarihan ng UN.
Salin: Jade