Kaugnay ng lumalalang situwasyon sa Kokang sa dakong hilaga ng Myanmar, ipinahayag kahapon ni Kong Xuanyou, puno ng Departamento ng mga Suliraning Asyano ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asa ng kanyang bansa na magtitimpi ang mga nagsasagupaang panig para maiwasan ang eskalasyon ng situwasyon at mapanumbalik ang katatagan ng hanggahan ng Tsina at Myanmar.
Sa isang eksklusibong panayam sa Xinhua, opisyal na ahensiya sa pagbabalita ng Tsina, sinabi ni Kong na buong-higpit na sinusubaybayan ng Tsina ang situwasyon sa lugar ng Myanmar na may sagupaan. Patuloy din aniyang nakikipag-ugnayan ang Tsina sa mga awtoridad ng Myanmar. Idinagdag pa niyang dahil sa nagaganap na sagupaan, may mga mamamayang Myanmar ang tumakas na papuntang Tsina. Sa diwang makatao, binibigyang-tulong ng Tsina ang nasabing mga taga-Myanmar.
Ipinagdiinan niyang hindi totoo at taliwas din sa patakaran ng Tsina ang naiulat na may kaugnayan sa Tsina ang mga sagupaan sa pagitan ng hukbo ng pamahalaan ng Myanmar at mga armadong grupo sa hilaga ng bansa. Palagiang naninindigan ang Tsina na hindi nakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa. Hinding hindi rin mapapahintulutan ng Tsina ang sinumang indibiduwal o organisasyon na magsamantala sa teritoryong Tsino para magsagawa ng aktibidad na makakapinsala sa katatagan ng hanggahan ng Tsina at Myanmar. Kapuwa ang Tsina at Myanmar ay nakaranas ng kolonyalisasyon ng mga bansang kanluranin, kaya, alam na alam natin na ang kaligaligan ay nagdudulot ng salot samantalang ang katatagan ay nangangahulugang biyaya, dagdag pa ni Kong.
Sinabi pa ng opisyal Tsino na mahigit 2,200 kilometro ang haba ng hanggahan ng Tsina at Myanmar. Ang katatagan sa hilagang Myanmar ay may direktang kaugnayan sa hanggahan ng Tsina at Myanmar. Inulit niya ang pag-asa ng Tsina na magtitigil-putukan ang mga nagsasagupaang panig ng Myanmar sa lalong madaling panahon para makalikha ng magandang kapaligiran para sa pambansang kaunlaran. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ang Myanmar, para magkaroon ng bigkis ng pagtutulungan, kapayapaan, pagkakaibigan at kaunlaran ang hanggahan ng dalawang bansa. Nakahanda rin aniya ang Tsina na patuloy na pasulungin ang matatag na pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership na pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Salin: Jade