Ipinahayag kahapon ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nananatiling bukas ang hanggahan ng Tsina at Myanmar.
Sa isang regular na preskon, sinabi ni Hong na sapul nang maganap ang sagupaan sa hilagang Myanmar, pinahihigpit ng Tsina ang pangangasiwa sa hanggahan ng dalawang bansa, pero, hindi sarado ang hanggahan.
Ipinagdiinan ni Hong na palagiang nananangan ang Tsina sa mga prinsipyo na gaya ng di-pakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa, paggalang sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Myanmar at pagbabawal sa paggamit ng sinumang indibiduwal at organisasyon ng teritoryo ng Tsina para makapinsala sa relasyon ng Tsina at Myanmar.
Idinagdag ni Hong na binigyan at patuloy na bibigyan ng Tsina ng tulong ang mga mamamayan ng Myanmar na tumakas papuntang Tsina dahil sa sagupaan ng bansa. Hiniling niya sa Myanmar na protektahan ang mga mamamayang Tsino sa Myanmar. Hiniling din niya sa mga nagsasagupaang panig na magtimpi para maiwasan ang eskalasyon ng alitan.
Salin: Jade